Wednesday, May 29, 2013

Ang Pinakamahiwaga Sa Mundo Ng Mga Tao


2nd Verse:
"Sumamba sa mga puno, hayop, at anito. Nawala ang panghimagas na hinain ng platito, pambihirang kaalama'y tuluyang nalunok, biglang usbungan ang mga gusaling hugis tatsulok. Pa'no kung ang buhay sa mundo ay ang konsepto at tayong mga naninirahan ay ang proyekto? Tayo nga ba'y nilagay para pag-aralan o para ihanda lang sa hinaharap na laban sa pagitan ng mabuti't kabaliktaran nito? Alam ko na sa iba'y isang kahibangan ito. Maaring lamang sila sa kagamitan gamit ang kanilang natatanging agham. Marahil tingin nila sa atin langgam. Paugain lang ang sahig, kaya tayong saktan pero wala silang alam sa bagay na meron tayo. Ang pinakamahiwaga sa mundo ng mga tao -- ang PAG-IBIG."

***********************

Unang una, nais ko lang ibahagi sa inyo ang kantang ito at bago ang lahat, nais kong hikayatin ang nagbabasa nito(kung meron man) na suportahan ang OPM music. Mabuhay ang tunog Pinas!

Pangalawa, hindi ko rin ho alam kung bakit itong kantang ito ang napili kong iparinig sa inyo. Totoong maraming kanta diyan na di hamak ay mas ayos ang tunog at mas nakakaaliw pakinggan kesa sa kantang ito. Ewan. Medyo madalas ko kasi pakinggan ang album ni Ron Henley nitong mga nakaraang araw at nabighani ako sa maikling track na ito. Napaisip niya ako bigla habang pinapakinggan ko ang lyrics. Hindi ko akalaing ang mga bagay-bagay na paminsan ay tumatakbo sa isip ko'y maririnig ko sa isang kanta. Iba nga lang ang pagkalahad pero nandun yung diwa. Astig!

Asahan niyong magpopost pa'ko ng maraming tulad nito. Hindi niyo man nagustuhan ito ngayon, sana'y salungat na ang maramdaman niyo sa susunod! :)

Sunday, May 26, 2013

5/27/2013 | 4:11am

Sabihin nating, ito ang "bertdey" ng blog na ito. Para sa aki'y hindi lamang ito simula ng panibagong "blog" na patatakbuhin ko. Ito'y hudyat ng pagsisimula ko ulit. Pagbangon mula sa trahedyang pumutakte sa akin mahigit tatlong buwan na rin ang nakakaraan. Itong blog na ito ang magsisilbing saksi sa bawat kabanata ng pag-ahon ko. Dito ko iuukit ang bawat pangyayari(na sana'y kapulutan ko at ninyo ng aral) sa unti-unti at muli kong pag-akyat sa tuktok. Sa pagkamit ulit ng tagumpay at pagtamo ulit ng kasiyahan. Sa pagbuo ulit ng mga pangarap na minsan nang nasira't nagkapira-piraso.

Ito ay "bertdey" na rin ng bagong ako. Bagong ako na handa ulit magsimula sa ilalim. Bagong ako na handa ulit sumailalim sa mga hamon ng buhay. Bagong ako na handang itapon at limutin ang bawat hibla ng pait na dala ng kahapon. Bagong ako na natuto na. Bagong ako na naranasan nang masaktan(yung solid na sakit talaga, 'lam mo 'yun?). Bagong ako na walang puot kahit kanino man. Bagong ako na nagpatawad at magpapatawad. Bagong ako na handa magbigay ulit. Bagong ako na iibig at handang magmahal ulit.

Bago ko wakasan ay nais kong pasalamatan ang Nilalang na higit na makapangyarihan sa lahat sapagkat utang ko sa kanya ang enerhiya't kaalaman(kung meron man) na aking taglay sa pagbuo nitong post at panibagong blog na ito.


**Ito ang unang blog post sa blog na ito. Nais ko pong humingi ng paumanhin kung masyadong corny ang opener. Bawi na lang nekstaym, mga paps. Heh heh.