Tuesday, June 18, 2013

Bakit?

Ang maikling kwentong mababasa mo ay hango sa isa pang kwento na narinig ko sa propesor ko sa eskwela kanina lamang. Bagamat hindi man sakto o siyento-porsiyentong tugma ang mga salitang gagamitin ko sa pagsulat, sana'y maunawaan niyo ang diwa na nais iparating ng kwento. Tara, digs!

**********************

Tahimik na nagpapahinga ang isang lalaki sa dalampasigan habang nakahiga't nagmamasid sa paglubong ng araw. Isang matanda't mayamang lalaki ang biglang nakapuna sa kanya't nilapitan ito. May sinabi.

Matanda't Mayamang Lalaki: Nakatambay ka lang dito? Ayaw mo magtrabaho?
Lalaki Sa Dalampasigan: Bakit?
MML: 'Pag nagtrabaho ka, magkakapera ka! Kesa patambay-tambay ka lang dito.
LSD: Bakit?
MML: 'Pag dumami pera mo, magiging masaya ka!

Akala ni MML ay na-korner na niya ang, sa tingin niya, mababaw na utak ni LSD. Medyo naburat si MML nang sumagot pa ulit si LSD.

LSD: Bakit? (sabay simangot)
MML: (medyo mabilis ang pagbikgkas pagkat may nais patunayan sa lalaking halatang higit na mas nakababata sa kanya) Bata, kapag masaya ka at marami ka nang pera, matatahimik ang buhay mo't makakapagpahinga ka na.
LSD: (nagbigay ng ngiti bago magpakawala ng mga salita) Hindi ko na ho yata kailangan 'yun. Kung magtatrabaho lang din naman ako para lang sa dahilang "makakapagpahinga" ako, papagurin ko lang ang sarili't katawan ko.

Bumaliktad ang mundo. Si MML na ang sumimangot. Nabighani siya sa sagot ni LSD at unti-unti niya itong ine-internalize. Dahil sa hindi niya maunawaan ng lubos, tuluyang bumaliktad ang mundo sa pinakapanahong iyon. Napatanong si MML.

MML: Bakit?
LSD: Kung hindi niyo ho napansin kanina, bago niyo'ko nilapitan at kausapin, e nagpapahinga na'ko. At kung kasiyahan din lang ang pag-uusapan, masaya na'kong masdan lang ang mga alon habang hinihintay lumubog ang araw mula sa dalampasigan. Maaring iba rin ho ang depinisyon at pananaw niyo sa salitang "saya" o "kasiyahan" ngunit sapat na ho ang kung ano man ang mayroon ako ngayon at kontento na'ko sa kung saan man ako ngayon upang bigyan ko ng sapat na pahinga ang sarili ko. Hindi ko rin sinasabing gawin niyo ang kung ano man ang ginagawa ko. Naiintindihan kong may positibong adhikain kayo sa kung bakit niyo naibigang kausapin ako at lubos na nagpapasalamat ako. Ibig kong pong sabihin ay sadyang iba lang talaga ang trip ng bawat isa sa'tin. *apir!*

Nagmukhang nakalunok ng higit dalawang litrong laway si MML habang nagsasalita si LSD. Gayon paman, natuto siya at alam niya sa sarili niyang kinailangan niya marinig ang mga salitang kakadinig lang niya.

MML: Heto... (naglabas ng singkwenta) Pang shot mo. (sabay lakad papalayo kay LSD)

Hindi gets ni LSD kung bakit siya binigyan ng pera ni MML.

Lubog na ang araw. Maliwanag ang buwan na unti-unting umaakyat sa kalangitan. Nasa kahera na rin ng sari-sari store ang singkwentang bigay ni MML kay LSD. Matapos makainom ng dalawang bote si LSD ay hindi niya pa rin alam kung bakit binigyan siya ni MML ng pera(pera "bilang pasasalamat" na para kay LSD ay pera "lang"). Hindi na niya pinag-isipan pa nang malalim at napasambit lamang ng isang salita.

LSD: Bakit? :O

No comments:

Post a Comment