Tuesday, June 11, 2013

Jigsaw Puzzle

Paganahin ang imahinasyon. Mag-isip ng tatlo sa mga pinaka-importanteng bagay o tao sa buhay mo.

Ngayon, bawat bagay o tao ay tingnan natin bilang magkakaparehong "jigsaw puzzle". Isiping magkakatabi ang tatlong jigsaw puzzle at maayos ang pagkakabuo ng bawat isa. Ipagpalagay mo ngayon na nasa tamang kalalagyan sa buhay mo ang mga jigsaw puzzle.

Sunod ay may mangyayaring hindi inaasahan. Masisira sa pagkakabuo ang bawat isa sa mga jigsaw puzzle. Magkakaputa-putakte lahat. Dahil nga magkakatabi ito at pare-pareho lahat, magkakahalo-halo ang mga piraso ng puzzle. Hindi mo na ngayon matukoy kung alin ang para sa alin at kung saan galing ang bawat pirasong sinusubukan mong pulutin isa-isa.

Matapos mong pulutin lahat ng piraso ay susubukan mong ayusin ulit ang tatlong puzzle. Nais mong mabuo ang puzzle ng tama, na ang bawat piraso ay nasa tamang lugar at tamang puzzle. Nais mong lahat ay mabalik ulit sa tamang kalalagyan. Pero paano? Masyadong mahirap. Mahirap pero posible. Posible pero paano?

Sa totoo lang, hindi ko rin alam. Sa totoo lang, gusto ko rin alamin. Hindi dahil sa gusto kong ayusin ang problemang nilikha natin gamit ang ating imahinasyon ngunit para ayusin ang problemang nilikha ko sa tunay na buhay. Problemang nilikha ko sa realidad -- sa masukal na realidad.

No comments:

Post a Comment